BALANGKAS, ATBP.

Samot-sari tungkol sa balangkas ng kahit ano, at kung ano-ano pa

Archive for the ‘pagkakaiba ng Tagalog at Filipino’ Category

Isang Pagtalakay sa artikulo ni G. Isagani R. Cruz: “Ano ang Pagkakaiba ng Filipino sa Tagalog?”

with one comment

ni Resty Cena

Paksa

Sa artikulong “Ano ang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog?” pinangatwiranan ni G. Isagani R. Cruz na may pagkakaiba ang Filipino sa Tagalog. Ang Tagalog, ayon sa kaniya, ay ang wika na inilarawan ni Lope K. Santos sa Balarila ng Wikang Pambansa (1939), o ang “wikang kasalukuyang ginagamit sa katagalugan sa labas ng kamaynilaan.” Dugtong niya na ang Filipino naman ay ang wika na inilarawan nina Schachter at Otanes sa Tagalog Reference Grammar (1972), o ang wikang tinatawag na “educated Manila Tagalog.” Basahin ang sanaysay ni G. Cruz dito.

Apat na aniya’y pagkakaiba ang sinuri. Tatangkain kong ipakikita na may kahinaan ang posisyon ni G. Cruz dahil sa kawalan ng sapat na datos at lalim ng pagsusuri. Naghain si G. Cruz ng anim pang katangian ng Filipino, at nag-anyaya siya na pag-aralan kung sapat na mapagbabatayan ang mga ito ng pagkakaiba sa Tagalog. Bilang tugon sa kanyang anyaya, naito ang aking pagsusuri.

Pagtalakay

Unang Pagkakaiba

Ayon kay G. Cruz, “Sa Filipino’y una ang panaguri … Sa Tagalog ay ginagamit ang panandang ay. Sa pormal na gamit ng Tagalog ay talagang ginagamit ang ay.” [Sa Filipino] “Pormal o lebel-panulat ang karaniwang ayos ng pangungusap na walang ay.” (Pansinin na ginamit ni G. Cruz ang ay/‘y sa unang tatlong pangungusap sa sipi. Babalikan natin ang puntong ito pamaya-maya.)

Ayon sa Schacter & Otanes (1972, p. 485), isang uri ng ‘inversion construction’ ang pangungusap na may ay, na “characterized by the shifting to sentence-initial position of some sentence component that does not occur in this position in basic sentences.” Hindi lang simuno ang maililipat sa unahan; pati mga oblikong pariralarin, halimbawa, “Sa Filipino’y una ang panaguri.”

Kailan ginagamit ang kayariang ay?  Ayon sa Schachter & Otanes (p. 485) ito ay “characteristic of formal style and is more common in writing, lectures, sermons, etc. than it is in ordinary conversation”.

Ginagamit sa katagalogan ang ay sa mga pulong, sa talumpati, o sa kausap na iginagalang o kung iniisip na siya ay isang dayo. Sa aking eksperyensya, sa karaniwang usapan, maririnig ang karaniwang ayos ng pangungusap (walang ay). Tulad ni G. Cruz, wala rin akong datos; anekdotal evidence, wika nga.

Ang kayariang ay ay may isa pang tungkulin: nagsisilbi ito na padaliin ang “discourse tracking” ng mga kasangkot sa pinag-uusapan.  Sa diskurso, pinagkakawing-kawing ang mga kaisipan para sa maayos na pag-intindi. Isang pangbalangkas na paraan ay ilapit ang sangkap na pagtutuunan ng pansin sa unahan ng bagong pangungusap; may dalawang kayarian na magagamit: pagpaksa (“Sa Filipino, una ang panaguri”, na hindi natin tatalakayin.), at pagtuon, na ginagamitan ng ay. Halimbawa:

“Sa Filipinoy una ang panaguri … Sa Tagalog ay ginagamit ang panandang ay.”

Ginagamit ang pagtuon kung gusto ng nagsasalita na linawin ang ‘paksa’ o ‘tuon’ ng kanyang pangungusap. Sa paglipat sa unahan ng pangungusap, ang paksa o tampok ay lumalapit sa reperensya, nabanggit man ito nang tahasan sa diskurso o ipinapalagay na malinaw na sa usapan. Sa tanong na:

Ano ba ang gagawin natin sa Sabado’t Linggo?

Maaaring isagot ang alinman sa mga pangungusap sa ibaba (medyo asiwa ang pangatlo), o ano mang kombinasyon ng mga yari ng sugnay.

Sa Sabado, trabaho tayo, at sa Linggo, pupunta tayo sa ilog.
Sa Sabado’y trabaho tayo, at sa Linggo e pupunta tayo sa ilog. (“e” = “ay”)
Trabaho tayo sa Sabado, at pupunta tayo sa ilog sa Linggo.

Ang hindi maririnig ay buksan ang isang bagong usapan o paksa ng:

Sa Sabado ay trabaho tayo, at sa Linggo ay pupunta tayo sa ilog.

Isa pa, kung ang simuno ay masyadong mahaba, tulad ng pangungusap sa ibaba, hindi sasabihin ang pangungusap sa kabaligtarang ayos, liban nga kung may pangdiskursong motibasyon.

Ang pag-uulit ng pantig ng panlapi at ang pagbago ng anyo ng pangngalang maramihan sa kasalukuyang pananalita sa kamaynilaan ay tama.”

Sa itaas, magkalayong masyado ang panaguring tama sa kanyang simuno ang pag-uulit. Ihambing:

Tama ang pag-uulit ng pantig ng panlapi at ang pagbago ng anyo ng pangngalang maramihan sa kasalukuyang pananalita sa kamaynilaan.”

Ang ibig sabihin, may pangbalarilang katuturan ang binaligtad na kayarian, na ginagamit kung sa palagay ng nagsasalita ay kailangan. Mayroon itong akma at hindi akmang gamit. Hinihingi ito ng diskursong Tagalog/Filipino.

Pansinin na may ilang kayarian na maihahayag lang sa ‘baligtad’ na ayos, halimbawa (ang mga pangungusap na minarkahan ng bituwin ay hindi katanggap-tanggap).

Dapat sa kanya ay umalis.            (*Umalis dapat sa kanya.)
Dapat sa kanya, umalis.

Kailangan kay Ben ay magmakaawa (*Magmakaawa kailangan kay Ben)
Kailangan kay Ben, magmakaawa.

May mga pangngalanin na kung saan ay kailangang ulitin ang pantig.
Ihambing: *May mga pangngalanin na kailangang ulitin ang pantig kung saan.

Kung gayon, hindi mapapangatwiranang basihan ng pagkakaiba ng Filipino at Tagalog ang paggamit o hindi ng kayariang ay.

Ikalawang Pagkaiba

Ayon kay G. Cruz, “inuulit ang pantig ng salitang-ugat o ang pantig ng panlapi sa Tagalog; hindi na kailangang ulitin ang mga pantig sa Filipino.”

Ang pag-uulit na tinutukoy ay iyong nangyayari sa pagbuo ng pangngalanin (na banghay sa pag- at pang-), halimbawa, ang inulit na pantig na da sa pagdala ~ pagdadala.

May mga pangngalanin na kung saa’y kailangang ulitin ang pantig.

*pag-aral          pag-aaral (Kumusta ang *pag-aral/pag-aaral mo?)
*pagtaka          pagtataka
*pamitas          pamimitas (Kumusta ang *pamitas/pamimitas mo ng mga bituwin sa langit?)
*panggulo     panggugulo (Pigilin mo nga ang *panggulo/panggugulo mo.)
atbp.

Pansinin sa dalawang huling halimbawa sa itaas na kapag hindi inulit ang pantig, ibang salita ang mababasa: ang pamitas at panggulo ay mga kasangkapan, at sa ganitong gamit, tinatanggap ang gamit ng mga salita.

May mga pangngalanin naman na kung saa’y hindi nag-uulit ng pantig. Ilang halimbawa:

pagtanda          *pagtatanda (sa kahulugang ‘growing old’)
paggusto          *paggugusto
pag-ayaw          *pag-aayaw
pagganda           *paggaganda

Mamamali sa maraming pagkakataon kapag sinunod ang payo na “hindi na kailangang ulitin ang mga pantig sa Filipino.”

Ikatlong Pagkaiba

“Mas hawak sa leeg ang Tagalog ng panulatan o matandang gamit ng salita; mas nakikinig sa talagang ginagamit o sinasalita ang Filipino.”

Ikapat na Pagkaiba. 

Kahit na sa makabagong Tagalog ay Kastila pa rin ang wikang karaniwang hinihiraman; sa Filipino’y Ingles ang karaniwang hinihiraman, dahil nga Taglish ang ugat ng Filipino.”

Ang ikatlo at ikapat na pagkakaiba ay umaasa sa experimental data na sa kamalasan ay wala tayo ngayon. Sa pag-uusap na ang layunin ay magpaliwanag, magpanukala, humimok, at magsulong, hahanapan tayo ng mga mananaliksik ng datos na susuhay sa ating mga pahayag. Sa ganitong usapan, walang lakas ang mga ebidensyang impormal, impresyonistik, o anekdotal, bagama’t maaaring makatulong ang mga ito na ituro ang tamang direksyon.

Tungkol sa panghihiram, mayroon akong impresyon na kahit sa mga liblib na pook, hindi na nanghihiram ng bagong salita sa Kastila. Una-una’y hindi naman nagsasalita ng Kastila ang mga taga-baryo, kaya wala silang pagkukunan ng mga salita sa mga bagong konsepto at kasangkapang tulad ng basketbol, repridyereytor, putbol, telebisyon, kompyuter, keybord, selpon, atbp. Marami silang alam na salitang Kastila, pero ang mga iyon ay nahiram na ng Tagalog bago pa dumating ang mga Amerikano.

Balikan natin ang paggamit ni G. Cruz ng ay. Sa sanaysay ni G. Cruz, 141 ulit ginamit ang ay (“ay” = 110, “‘y” = 31), sa loob ng 288ng sugnay. (Hindi isinama sa bilangan ang mga sipi). 49% ng sugnay ang may binaligtad na sangkap. Batay sa pamantayang inihayag niya, Tagalog ang wika ni G. Cruz. Ihambing natin ang wika ni G. Roberto Anonuevo (“Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan”, hinugot Septyembre 25, 2011 mula dito). Sa 353ng sugnay, 79 o 22% ang nasa kayariang ay. Filipino naman ang wika ni G. Anonuevo.

Tungkol naman sa pag-uulit ng pantig sa mga pangngalanin,  sa artikulo ni G. Cruz, 25 ang natatanging (“unique”) salita, o “token,” na nominal sa anyong pag-. Dalawa o 8% sa bilang na ito ang nag-uulit ng pantig. Sa artikulo ni G. Anonuevo, may 72 token ng pag-“nominal”, at 47 sa bilang na ito, o 65%, ang nag-uulit ng pantig. Dito naman, mas Filipino ang pagsulat ni G. Cruz, at mas Tagalog si G. Anonuevo. (Maaring hindi 100ng porsyentong accurate ang mga bilang, pero malakas ang ebidensya na malaki ang pagkakaiba ng kanilang paggamit ng mga katangiang ito, bagama’t kapwa sila, sa aking pagkakaalam, matagal nang naninirahan sa Maynila kung hindi man duon na sila lumaki.)

Naghain din si G. Cruz ng anim na katangian ng Filipino, at nag-anyaya siya na pag-aralan kung sapat na mapagbabatayan ang mga ito ng pagkakaiba sa Tagalog. Bilang tugon sa kanyang anyaya, naito ang aking pagsusuri.

“Una, sa Tagalog ay hindi ginagamit ang panghalip na siya para tukuyin ang hindi tao, pero sa Filipino ay karaniwan nang ginagamit ang siya para sa mga bagay.”

“Ikalawa, sa Tagalog ay hindi karaniwang dinaragdagan ng -s ang isang pangngalang isahan para gawing maramihan ito. Sa halip ay gumagamit ng pantukoy, pamilang, o pang-uri… Pero sa Filipino ay madalas gamitin ang -s para gawing maramihan ang isang pangngalan.”

Tungkol sa ikalawang katangian, ang hindi pagdagdag ng -s sa isang pangngalang isahan ay isa sa mga gabay sa Gabay sa Ispelling sa Filipino na inilabas ng Sentro ng Wikang Pilipino (2008), seksyon 1.51, p. 24:

“1.51 Pangmaramihang anyo ng salitang hiram

Sa pagsulat ng maramihang anyo ng salitang hiram, gamitin ang mga kasama ang batayang anyo o pang-isahang anyo ng salita.

mga painting
mga computer
mga cellphone

Maaari ring gamitin ang pangmaramihang anyo ng salitang hiram ngunit hindi na kailangang pangunahan ito ng mga.

ang mga painting o ang pantings
hindi: ang mga paintings “

Kaya ang Tagalog, kung tutuo na hindi mapaggamit ng -s para markahan ang pangmaramihan ng pangngalan, ay sumusunod sa unang bahagi ng tuntunin sa itaas, at ang Manila-Tagalog ay sumusunod sa ikalawang bahagi.

“Ikatlo, sa Davao ko pa rin unang narinig ang paggamit ng mag-sa halip ng -um- sa mga pandiwa. Hindi karaniwang umaakyat ng bahay ang Davaoeños, kundi nag-aakyat o nag-akyat.”

Kumalat na kaya ito sa Maynila para maituring na bahagi na ng Filipino, o isang rehyonalismo ito, tulad din ng “Nakain ka na ba?”, na hindi pa bahagi ng Filipino dahil sa sa Timog-Tagalog lang maririnig?

“Ikaapat, at ito’y suhestyon ni Barry Miller. Sa Tagalog ay i- ang ginagamit sa tinatawag nina Otanes na benefactive-focus na pandiwa (310). Ang -an ay karaniwang directional-focus (301). … Sa Tagalog, ang karaniwan nating sinasabi kung nakikibili tayo sa McDonald’s ay “Ibili mo nga ako ng hamburger.” Sa Filipino, ang karaniwan nating sinasabi ay “Bilhan mo nga ako ng hamburger.”

Ikalima, sa pag-uulit ng pantig na may kluster, halimbawa, prisinta, sa Filipino, ayon kay G. Cruz, inuulit ang buong pantig: magpriprisinta, samantalang sa Tagalog, hindi kasama sa pag-uulit ang ikalawang katinig ng kluster, halimbawa: magpiprisinta.

Dito, kailangang-kailangan ang malilinis na data. Kumuha ng ilang propesyonal sa Manila, tambalan sa lahat ng bagay na maaaring makaapekto sa resulta ng ilang propesyonal sa Malolos, halimbawa; kumuha rin ng ilang mga taga-palengke sa Maynila at pantayan din ng ilang taga-Palengke sa Malolos, bigyan sila ng pagkakataong bigkasin sa Tagalog/Filipino ang mga salitang tulad ng “present” sa sitwasyon na na dinodoble ang unang pantig— mga eksperimentong tulad nito ang magkapagbibigay ng masasandigang datos.

Tungkol sa pagbigkas ng mga sunurang katinig, may mga sunuran na madaling mabibigkas kung hindi inuulit ang ikalawang katinig saunang pantig, halimbawa, magsuswapang, magsusweldo, magsisyampo /magsasyampo, magsisyaping/ magsasyaping, kaysa sa magswaswapang, magswesweldo, magsyasyampo, magsyasyaping (sa salita sa aming bayan).

Ang salitang pinoproblema ay mas madaling bigkasin kaysa sa prinoproblema, gayon din ang pinapraktis laban sa prinapraktis, pinaplano laban sa plinaplano Atbp. Hindi pa tapos ang panghihiram kaya hindi pa pirmi ang mga anyo ng mga salitang hiram; maaga pa para gawing basihan ng pagkakaiba ng wika.

Ikaanim, dahil sa ang ibang wika sa Pilipinas ay hindi gumagamit ng po at ho, tulad ng Sebuano, “samakatwid, sa wikang Filipino ay hindi dapat siguro isama ang po at ho. Gamitin na lamang ito sa Tagalog o sa diyalekto ng Filipino na ginagamit sa katagalugan.” 

Maaaring magkaroon ng kaunting problema kung susundin ito. Halimbawa, kapag dumalaw ang Pangulong Aquino sa Cebu, paano sasabihin: “Dito ka na maupo, Mr. President,” o “Dito na po kayo maupo, Mr. President.” (Sa SONA 2011, 141 ulit ginamit ang po.)

Para mapag-usapan ang isyu nang may katuturan, kailangang natin ang mga datos: Nagkakaiba nga kaya sa mga nasabing katangian ang sinasalita sa kamaynilaan at sa katagalugan? At kung nagkakaiba, sapat kaya para ituring na magkaibang diyalekto o magkaibang wika ang Tagalog at Filipino? Magkasundo muna sa mahahalagang asumpsyon: anong uri ng pagkakaiba at gaaano ‘karaming’ pagkakaiba ang kailangang maipakita bago masabing nagkakaiba na nga? Kung sa pagsusuri ay matuklasan na ang mga siyudad at malalaking bayan sa katagalugan (na bumubuo ng malaking bahagi ng mga tagapagsalita sa katagalugan) ay nagsasalita na rin ng Manila-Tagalog, ano ang konklusyon: na walang pagkakaiba ang wika sa probinsya at sa Maynila, o na “kumalat na ang Filipino sa labas ng Maynila”?

Konklusyon

Namumukod ang artikulo ni G. Cruz sa marami, sapagka’t tinangka ng artikulo na dalhin ang usapan sa mga tunay na katangian ng wika. Pero hindi ako nakumbinse ng artikulo, sa mga kadahilanang ito:

Una, ang mga argumento na madali sanang resolbahin kung may datos ay walang kasamang datos (Pagkakaiba 1, 2, 3, 4, Haing Pagkakaiba 1, 2, 4, 5).

Ikalawa, hindi naisaalang-alang ng pagsusuri ang maraming kritikal na halimbawa kayat ang mga kalahatnan ay madaling ibuwal ng mga bago o kontrang halimbawa  (Pagkakaiba 1, 2, at Haing Pagkakaiba 1, 2, 5).

Ikatlo, ang Haing Pagkakaiba 5 ay tanda na hindi pa nasasakmal na mabuti ang konsepto na ang wika ay isang mahigpit na sistema, na ang paglelehislado ng pagbawas o pagdagdag ng isang mahalagang katangian ay maaaring may hindi kanais-nais na konsekwensya.

Ikaapat, ang pahayag na ang wikang inilarawan ni Lope K. Santos sa kaniyang balarila ang Tagalog at ang sinasalita ngayon sa Maynila ay Filipino, ay tanda ng hindi pagkaunawa sa proseso ng “language change.”  Hindi naghihinto ng pag-evolve ang isang wika; habang ginagamit, patuloy itong nakikibagay, lalo na sa dako ng bokabularyo. Mahirap isipin na huminto ang “paglaki” ng Tagalog noong 1940, at ang mga salita ngayon sa labas ng Maynila ay Tagalog 1940 pa. Higit na malaki ang pagkakaiba ng modern English sa old English, kaysa sa pagkakaiba ng Manila-Tagalog sa 1940-Tagalog, pero hindi ginawang basihan ang malaking pagkakaiba ng old English sa modern English para baguhin ang pangngalang English  (“Any native English speaker of today would find Old English unintelligible without studying it as a separate language.” http://en.wikipedia.org/wiki/History_of_the_English_language

Sa madaling sabi, hindi ako nakakakita ng ano mang ebidensya o argumento at hindi ako naniniwala na makakikita sa nalalapit na hinaharap ng mga ebidensya para bumuo ng mga argumento na magkaiba ang mga wikang sinasalita sa katagalogan at sa kamaynilan.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.