BALANGKAS, ATBP.

Samot-sari tungkol sa balangkas ng kahit ano, at kung ano-ano pa

Archive for the ‘probisyon ng Konstitusyon tungkol sa wika’ Category

Isang pagtalakay sa artikulo ni G. Virgilio S. Almario na pinamagatang “Pitong Tanong sa Multilingual Education”

with 5 comments

Isang pagtalakay sa artikulo ni G. Virgilio S. Almario na pinamagatang “Pitong Tanong sa Multilingual Education”

ni Resty Cena

Kapalaran ng mga tanyag na manunulat at kritiko, tulad ni G. Virgilio S. Almario, na ang mga opinyon nila ay sinusuring mabuti ng publiko, lalo na kung ang paksa ay pambansa at malawak ang konsekwensya, tulad ng edukasyon na gumagamit ng mahigit sa isang wika na ang batayan ay ang unang wika ng mga bata  (“mother tongue-based multilingual education” (MTBMLE). Sa kaniyang artikulong “Pitong Tanong sa Multilingual Education,” nagpalaot siya ng ilang tanong tungkol sa MLE, at, pagkatapos sagutin, binuo niya ang konklusyon na kalabisan ang DepEd Order No 74 at ang Gunigundo Bill. Batay dito, ipinanukala niya na gamitin ang Filipino na wikang panturo sa buong bansa, pati sa  unang tatlong grado sa elementarya. Sa kasalukuyang artikulo, susuriin at ipapakita na ang inilapag na mga katwirang pang-edukasyon at pangwika sa artikulo ni G. Almario ay hindi sapat na suhay para maitindig ang panukala na Filipino ang gawing pangunahing wika ng pagtuturo sa mga antas na pinatutungkulan ng MTBMLE.

Basahin ang buong artikulo ni G. Almario dito. Naito ang mga tanong niya:

Unang Tanong: Kailangan ba ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MLE)?
Ikalawang Tanong: Ano ang bago sa DepEd Order No. 74?
Ikatlong Tanong: Pinalitan ba ng MLE ang Patakarang Bilingguwal sa edukasyon?
Ikaapat na Tanong: Gagamitin ba ang lahat ng unang wika ng Filipinas sa MLE?
Ikalimang Tanong: Umaalinsunod ba sa tadhanang pangwika ng 1987 Konstitusyon ang MLE?
Ikaanim na Tanong: May dagdag bang kabuluhan ang bill ni Congressman Guinigundo sa DepEd Order No. 74?
Ikapitong Tanong: Kailangan ba ang DepEd Order No. 74 at Guinigundo bill?

Una, itinatag ni G. Almario ang paniniwala niya at pagtangkilik sa MLE: “ Walang duda: KAILANGAN ang MLE” [diin sa orihinal]. Dagdag niya na “[h]igit na mabilis na matututo ang batàng Filipino kung wika nila ang gagamitin sa pag-aaral.” Tinanggap niya na “alam na ng lahat  na (1) mas mabilis matutong bumása ang batà pag unang wika ang ginamit; (2) ang batàng natutong bumàsa at sumulat sa unang wika ay mas mabilis matutong bumàsa, sumulat, at magsalita sa ikalawa at kahit ikatlong wika; (3) ang batàng natutong bumása at sumulat sa unang wika ay mas mabilis matuto ng ibang kompetensi.”

Sa kabila nito, tinutulan ni G. Almario ang DepEd Order No 74. Tatlong argumento ang nahugot ko sa kaniyang artikulo. Una, aniya’y walang bagong naidagdag ang nasabing DepEd Order sa “batayang pang-edukasyon at pangwika” dahil sa:

  • (i) “Matagal nang alam ng mga guro at isinasapraktika ang MLE kahit walang DepEd Order No 74.”
  • (ii) “Matagal na ring nakadambana sa mga simulaing pangkultura at pang-edukasyon ng Unesco ang paggálang sa mga wika ng bansa at pagkilála sa wikang katutubo bilang higit na mabisàng wika ng edukasyon.”
  • (iii)“Inulit lang ang alam na ng lahat” (ang tatlong kaalamang matatatamo sa programang MTBMLE na inihanay sa itaas).

Hindi nilinaw ni G. Almario ang kahulugan ng “isinasapraktika.” Mahihinuhang tinutukoy ang paggamit ng lokal na wika bilang wikang pantulong. Hindi naaayon ito sa MTBMLE, na hinihiling ang paggamit ng unang wika ng mga bata bilang pangunahing wika sa pagtuturo. Ang  wika ng pagtuturo ang pinakamahalagang bahagi ng instruksyon, kayat malaking kapabayaan kung iaasa ang bagay na ito sa “pagsasapraktika ng mga guro,” lalo pa nga’t ang gayong pagsasapraktika ay puta-putaki, pahula-hula, at walang pamantayan na pinagbabatayan. Ang mainam sa ma-institutionalize ang pagtuturo sa wikang lokal ay magbubunsod ito ng pagsulat ng mga leksyon at araling-gamit sa wika ng mga bata, makapaglalaan ng pondo para sa gayong pagsisikap at sa pagpapalaganap, magaganyak ang mga kolehyo na magbukas ng nauugnay na mga kurso, at magkakaroon ng mga patakaran para sa mabisa at epektibong pagpapalaganap. Hindi matutupad ang alinman sa mga hangaring ito kung iaasa ang pagtuturo sa pasapraktika lang. Higit sa impormal na gamit ng wikang lokal bilang tulong sa pagtuturo ito ang layon ng DepEd Order No 74 at ang Gunigundo Bill.

Bukod sa “alam na at ginagawa na” ang MTBMLE, sinabi ni G. Almario na walang kabuluhan ang DepEd Order No 74 dahil sa hindi naman maisasakatuparan nang ganap ang MLE. Ito ang takbo ng pangangatwiran:

  • “… upang ganap na maging epektibo ang MLE, kailangang gamitin ang 150 wika’t wikaing ito sa mga paaralan ng bansa.”
  • “Posible ba ito? Imposible.”
  • “Kung hindi rin lamang totoong gagamitin ang mga unang wika ng Filipinas, ano ang totoong kabuluhan ng MLE na mga wikang rehiyonal lamang ang gagamiting panturo?”
  • “Kung hindi rin lamang matutupad ang totoong simulain ng MLE, walang silbi ang DepEd Order No. 74 at ang Guinigundo bill.”
  • “Ano ang totoong kabuluhan ng MLE na mga wikang rehiyonal lamang ang gagamiting panturo?”

Makikita na binasa ni G. Almario nang literal ang “mother tongue-based multi-lingual education” Dahil sa imposibleng maisakatuparan turuang lahat ang mga bata sa kanilang unang wika, “walang silbi” ang pagsasa-institutionalize nito. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay walang kabutihang sasapitin ang isang pagsasakatuparan kung hindi ito “all or nothing,” o 100%. Sa maraming pagkatataon, at isa na rito ang “silbi ng MTBMLE,” ito ay  isang timbangan: ang matimbang ay puwede na. Ipagpalagay natin na 25% ng mga mag-aaral ang mga taal na Tagalog, 55% ang nagsasalita ng pito pang malalaking wika ng bansa, at 15% naman ang nagsasalita ng wika na hindi kabilang sa walong malalaking wika (hula lang ang mga numero, pero nasa ‘ball park’, wika nga). Kung ipatutupad ang MTBMLE, 85% (mga taal na nagsasalita ng walong malalaking wika) ang matututong mabuti, at 15% (ang hindi nagsasalita ng alinman sa walong pangrehyong wika) ang masasangkalanan. Kung susundin ang panukala ni G. Almario na turuan ang lahat ng mga bata sa Filipino, 25% (ang mga taal na Tagalog) ang matututong mabuti, at 75% (hindi taal na nagsasalita ng Tagalog) ang mahihirapan sa pag-aaral. Sa aking palagay, mas malaking ‘silbi’, mas mainam isulong, ang panukala na makinabang ang 85% ng mga bata, kaysa sa 25% lang, lalo pa’t ang nasabing 25% ay kabilang din sa 85%. Malaking kapabayaan kung, dahil sa hindi matuturuan ang isang pangkat ng mga nag-aaral sa kanilang unang wika, idadamay na ring hindi turuan sa kanilang unang wika ang iba at higit na malalaking pangkat ng mga batang nag-aaral.

Ang ikatlong katwiran ni G. Almario kung bakit ipinalagay niyang hindi kailangan ang DepEd Order No 74 at ang Gunigundo Bill ay batay sa diwa ng konstitusyon tungkol sa wika:

  • “Ang planong pagpapatupad ng DepEd Order No. 74 ay malinaw nang nakasaad sa 1987 Konstitusyon”
  • “Sa kabilang banda, maliwanag na salungat ang DepEd Order No. 74 sa diwa ng  pangunahing tadhana ng Artikulo XIV”

Sa unang sipi sa itaas, tinutukoy ni G. Almario ang paggamit ng mga rehyonal na wika bilang wikang pantulong, samantalang ang sinusuportahan ng DepEd No 74 ay ang paggamit ng unang wika ng mga bata bilang pangunahing wika ng pagtuturo; hindi ito nakasaad sa konstitusyon. Tatalakayin ko pamaya-maya ang punto tungkol sa pagsunod o di-pagsunod ng DepEd Order No 74 sa diwa ng konstitusyon  .

Batay sa kaniyang mga obserbasyon at paglilimi, ipinanukala ni G. Almario na Filipino ang gamitin bilang wika ng pagtuturo sa buong bansa:

  • “Ang ibig sabihin, ang dapat gawin ng mga ahensiya ng Gobyerno ay gumawa ng mga hakbang para sa totoo at lubusang paggamit sa Filipino bilang wikang panturo sa buong sistemang pang-edukasyon.” [diin sa orihinal]
  • “Bukod sa magastos [ang MTBMLE] ay magiging hadlang ito sa totoo at lubusang paggamit sa Filipino bilang wikang panturo.” [diin sa orihinal] “

Sa kabuuan, ganito ang buod ng pangangatiwrian ni G. Almario:

  1. Alam natin na matututong mabuti ang mga bata kung wikang sarili ang gagamitin sa pag-aaral,
  2. Pero hindi maaaring turuan ang lahat ng mga mag-aaral sa kanilang wika,
  3. Kung gayon, ibang wika na (sa labas na katagalogan) ang gamiting wika ng pagtuturo sa kanila.

Mahirap para sa akin na makita na ang konklusyon ay sumusunod sa unang dalawang tadhana. Maaaring may malalakas at kaakit-akit na mga argumento para gamitin ang Filipino bilang pambansang wika ng pagtuturo, pero hindi nailabas sa artikulo ni G. Almario ang gayong mga argumento.

Sa aking palagay, isang punto sa artikulo ni G. Almario ang makabuluhang pag-usapan at hangaring malapatan ng resolusyon sa lalong madaling panahon — ang posibilidad na taliwas ang DepEd Order No 74 sa diwa ng konstitusyon.

Naito ang Seksyon 6 at 7 ng Artikulo XIV

Section 6. The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Subject to provisions of law and as the Congress may deem appropriate, the Government shall take steps to initiate and sustain the use of Filipino as a medium of official communication and as language of instruction in the educational system.

Section 7. For purposes of communication and instruction, the official languages of the Philippines are Filipino and, until otherwise provided by law, English.

The regional languages are the auxiliary official languages in the regions and shall serve as auxiliary media of instruction therein.

Natio ang ilang pagbasa ni G. Almario sa mga probisyong pangwika ng konstitusyon na nauugnay sa DepEd Order No 74.

  • “Sa kabilâng bandá, maliwanag na salungat ang DepEd Order No. 74 sa diwa ng  pangunahing tadhana ng Artikulo XIV. Bukod sa pagkilála sa Filipino bilang wikang pambansa, … “
  • “… nakasaad din sa 1987 Konstitusyon na: “Subject to provision of law and as Congress may deem appropriate, the Government shall take steps to initiate and sustain the use of Filipino as a medium of communication and as language of instruction in the educational system.”

Sa unang sipi sa itaas, ipinalagay ni G. Almario na ang pagtuturo sa unang wika ng mga bata ay salungat sa pagkilala sa Filipino bilang wikang pambansa. Malaking lundag ng isip ang hinihingi sa mambabasa para mapag-ugnay ang dalawang bahagi ng argumento.  Sa ikalawang sipi sa itaas, makikita na binasa ang probisyon ni G. Almario, tulad ng marami sa atin, na isinasaad ang Filipino “…as the language of instruction” o “siyang” wika ng pagtuturo, lalo pa nga kung isasaalang-alang ang ikalawang parapo ng Seksyon 7. Gayon man, hindi rin naman sinabi na “… as a language of instruction”; ihambing ang sinundang sugnay: “… the use of Filipino as a medium of communication,”  na dito ay nilinaw na ang Filipino ay itinatadhana na isamg wika ng komunikasyon. Ano ba talaga ang diwa ng nasabing probisyon? Ang isyong ito ay nasa bakuran ng kataas-taasang hukuman.

Isang tanong:

Napatunayan na:

  1. Mas mabilis matutong bumása ang batà ‘pag unang wika ang ginamit;
  2. Ang batàng natutong bumàsa at sumulat sa unang wika ay mas mabilis matutong bumàsa, sumulat, at magsalita sa ikalawa at kahit ikatlong wika;
  3. Ang batàng natutong bumása at sumulat sa unang wika ay mas mabilis matuto ng ibang kompetensi.”

Ngayon, anong katwiran ang maihahain para sang-ayunan na turuan ang mga bata sa isang wikang banyaga sa kanila?

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.