BALANGKAS, ATBP.

Samot-sari tungkol sa balangkas ng kahit ano, at kung ano-ano pa

“May” at “Mayroon”: Isang paliwanag

leave a comment »

May at Mayroon: Ang kahalagahan ng tamang tanong sa pananaliksik at pagpapaliwanag
ni Resty Cena

Ipaliwanag kung bakit tinatanggap ang (1) pero hindi ang (2)?

1.  Mayroong bang basi si Ben?
2.  *May bang basi si Ben?

Ang kagyat na sagot marahil ay ang sinasabi sa balarila:

(a) May ang ginagamit kapag ang sumusunod kaagad ay tuwirang layon, na maaaring alinman sa mga sumusunod na salita at parirala: pangngalan, pang-uri, pandiwa, pantukoy na mga, mga panghalip na panao sa kaukulang paari, pati kung inuulit ang mga ito, at pang-ukol sa, na nakaunlapi sa isang pangngalan o pandiwa.
(b) Mayroon ang ginagamit kapag sa mga pangungusap ay may napasingit nang ibang kataga o salita sa pagitan ng may at ng pangngalan, pang-uri o pandiwang kasunod.
(c) Mayroon din ang gamit kung panagot sa tanong lalo’t nag-iisa, kung siyang huling salita ng isang pangungusap, at kung may patalinghagang katuturang masasalapi o mayaman.
(d) Sa pagtutumbasan ng mayroon at wala, ang ginagamit ay mayroon.
(Balarila ng Wikang Pambansa, Lope K. Santos, 1939. Bureau of Printing. Manila)

Mapapansin na hindi paliwanag ang mga ito, kundi obserbasyon sa gamit (na alam na ng taal na tagapagsalita).

Isang mabuti-buting pagbihag sa mga datos ang sabihin na ang may ay sinusundan ng mga salitang pangnilalaman “content word,” hindi ng mga salitang pangkayarian (ang, ng, sa, atbp.) o ng mga paningit (ba, nga, siya, atbp.). Na mainam-inam sapagka’t tumutukoy sa pangbalangkas na katangian ng salita, at hindi umaasa sa pag-iisa-isa ng mga kaso ng gamit. Gayon man, paglalahad pa rin ito ng obserbasyon.

Sa paglalarawan, may mga pagkakataon na makikita ang tunay na anyo ng talinghaga kung tama ang tanong.  Kaya, makatutulong sa ating layunin kung ang tanong ay tulad nito: Bakit may dalawang salita ng “pagkakaroon”? Bakit mayroong mayroon at mayroon pang may? Bakit hindi isa na lang? Ano ang trabaho ng roon sa mayroon?

Sa lahat ng wika, sa karaniwang (hindi markadong) gamit, ang mga paningit, tulad ng ba, nga, pala, din, atbp. ay inaakit ng unang pangnilalamang salita (may pagkapaningit ang mga panghalip na panao: siya, ka, ko, atbp.). Kung may mahigit sa isa, pumipila sila. Sa mga halimbawa sa ibaba, higit na katanggap-tanggap ang mga paningit sa tabi ng unang salita.

Mabait ba si Ben?   (*Mabait si Ben ba?)
Bakit daw umalis si Ben?    (??Bakit umalis daw si Ben.)
Sino nga naman ba ang makakatiis?     (*Sino ang makakatiis nga naman ba?)

Hindi kayang akitin ng mga salitang pangkayarian (hal., ang, ng, kay, na, pero,  atbp.) ang mga paningit:

*Ang ba bata ang bumili ng pansit?
*Pero pala dumating si Ben.

Ngayon, kapag itinuring na pangkayarian ang may, may basihan na para sabihin na hindi nito kayang umakit ng mga paningit:

*May ba lambanog si Ogg?
*May pala gandang itinatago si Ampi.

Bakit hindi na lang tanggapin ang mga pangungusap sa itaas? Sapagka’t lalabagin ng wika ang tuntunin na pangnilalaman lang ang maaaring humila ng paningit.

Mayroon bang lambanog si Ogg?
Mayroon palang gandang itinatago si Ampi.

Simple ang daang tinahak ng wika para maresolba ang problema: gawing pangnilalaman ang may sa pamamagitan ng pagdugtong ng roon. Walang semantikong kahulugan ang idinaragdag ng roon. Kung wala ng salitang mayroon, walang paraan ang wika na sundin ang higit na malakas na puwersa, na ang pagtuturing sa pamamagitan ng paningit ay ginganap sa unahan ng pangungusap, tulad ng ano mang device na nagdaragdag ng pansin sa isang sangkap. Pansinin sa mga halimbawa sa ibaba, na habang nalalapit sa kaliwa ang mga paningit na nga raw ba, lumilinaw at nagiging mas natural ang pangungusap.

May madalas bumili nga raw ba ng basi?
May madalas nga raw bang bumili ng basi?
Mayroon nga raw bang madalas bumili ng basi?

May malaking pusa na putol ang buntot nga raw ba si Ben?
May malaki nga raw bang pusa na putol ang buntot si ben?
Mayroon nga raw bang malaking pusa na putol ang buntot si Ben?

Ang ebolusyon ng wika, tulad ng ebolusyon ng mga organikong bagay, ay walang plano. Bawa’t pagbabago, bawa’t liko at sulong, ay tugon sa kasalukuyang pangangailangan — na ginagabayan ng ilang pangsistemang puwersa. Isang puwersa ang paakyatin sa itaas ng pangungusap ang mga maliliit na sangkap na sa kanilang sarili ay buo ang pangbalangkas na katuturan pero walang lantad na balangkas (ang ba, tulad ng pariralang ang mga bata, ay may balangkas). Makitid ang pananaw ng wika, madalas ay matigas ang ulo, pero isa itong masunuring mamamayan na gumagalang sa batas.

Ngayong mayroon nang mayroon, bakit hindi itapon ang may? Ang (pansamantalang) sagot: anong malakas na puwersa ng wika ang mamamayani para hindi na gamitin ang may? Katipiran?

Sa pananaliksik, ang isang sagot ay maaari at karaniwan nang nagbubunga ng mga tanong. Dalawang tanong:
(i) Bakit ang idinagdag na salita sa may ay doon at hindi, halimbawa, diyan > maydiyan, o nito > maynito, o ari > may-ari, o ano pa man?
(ii) Bakit ang mga salitang pangnilalaman lang ang may lakas na umakit ng mga paningit?

About these ads

Written by Resty Cena

September 9, 2011 at 9:11 pm

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: