BALANGKAS, ATBP.

Samot-sari tungkol sa balangkas ng kahit ano, at kung ano-ano pa

Ang problema ni Jaime Sori-what

leave a comment »

ni Resty Cena

Ilang sipi mula sa “Language, learning, identity, privilege” ni James Soriano, nalathala sa online edition ng Manila Bulletin noong Agosto 24, 2011.

     “It [Filipino] was the language we used to speak to the people who washed our dishes.”
      “Filipino was the language of the world outside the classroom. It was the language of the streets: it was how you spoke to the tindera (store keeper) when you went to the tindahan (store), what you used to tell your katulong (helper) that you had an utos (order), and how you texted manong when you needed sundo na (fetch me now).”
      “These skills were required to survive in the outside world, because we are forced to relate with the tinderas and the manongs and the katulongs of this world. If we wanted to communicate to these people — or otherwise avoid being mugged on the jeepney — we needed to learn Filipino.”

Lahat ng tao sa Pilipinas, pati na mga F/Pilipino sa ibang bansa, ay may opinyon tungkol sa sinulat ng isang estudyante sa Ateneo tungkol sa paghahanap niya ng kung sino siya batay sa wikang sinasalita niya. Ang unang tanong ko: Ano ang kaugnayan ng wika ko sa kung sino ako? Eh kung hindi ako makapagsalita, sa ano mang dahilan, at pinutol ng labentador ang ilang daliri ko, ibig sabihin hindi ako kahit sino?
…..“Sir,” sabi ng taksi drayber, “Nabasa po ba ninyo ‘yong sinulat ni Jim Sori-what sa online Bulletin?” Pati drayber ng taksi, naisip ko, nagbabasa na ng blog. Sinagot ng drayber ang tanong ko sa isip, “Required po kami ng kompanya na magbasa ng FaceBook, Twitter, at mga blogs.”
…..“Jim Sori-ano?” ang tanong ko.
…..“Hindi po Soriano ang last name niya. Sori-what po,” sagot ng drayber. “Sikat na sikat po siya. Dapat po, siya na ang sekretaryo ng DepEd.”
…..“Bakit nga ba hindi,” ayon ko, “Tutal, magiging presidente na si Pacquiao.”
…..“Sabi po niya, Tagalog ang gamit niya sa kalye. Ang tanong ko naman sa kanya, saang kalye siya naglalagi? Ha ha ha ha!” hinampas pa ng drayber ang manibela sa tuwa sa sariling biro.

…..Maraming nakakagimbal na di-pagkakaintindihan ang isinabog ng sinulat ni Jim Sori-what. Una-una, nag-resign ang kanilang drayber at katulong. Sa isang interbyu ng ABS-CBN, ang sabi ng drayber: “Tutuo na Tagalog ang salita ni Sir Jim ‘pag pinaliliko ako sa kaliwa o sa kanan. Pero hindi na po bale na laitin niya ang kanunu-nunuan ko, na hindi ko naman kilala kung sa bagay kaya ok na rin na laitin, huwag lang niyang laitin ang kabobohan este katalinuhan ko. Ngayon ba’t drayber lang ako, at Tagalog lang ang alam ko, no-class na ako? Abuso na ‘yan. (Tumingin sa kamera ang drayber at  kindindatan ang mga abogado sa audience, “Hati tayo sa damage.”)
…..Sabi naman ng katulong, “Kung alam ko lang na ibabandila ni Sir Jim na Tagalog lang ang alam kong salita, at hihiyain  ako sa buong mundo, sana’y inumangan ko na ng maraming aspile ang kanyang salumbayag.”
…..Dahil sa alingasngas, pinadalhan ng employment agency ang pamilya ni Jim ng pinaka-‘elite’ na domestic help.
…..“Julius,” atas ni Jim sa bagong drayber, “Ihanda ang kotse at paroroon tayo sa mercado.”
…..Ab imo pectore,” ang sagot ng drayber. “A bene placito.”
…..Napatanga si Jim. “Huh? Come again? Ano?”
…..Napatigalgal si Julius. “Et tu, Brute?” ang sabi, at hinampas pa ang kanyang noo na parang sinabi na napakangongo naman ng kausap niya dahil hindi nakakaintindi ng Latin.
…..Bumuntung-hininga si Jim. “Okey dokey. Whatever,” sabi niya.
…..Binalingan niya ang bago nilang katulong. “Huwag mong kalilimutang lagyan ng mayonnaise ang sandwich ko.”
…..C’est une bonne idée,” ang sabi ng bagong katulong.
…..“Ano?” ang bulalas ni Jim.
…..Parlez vouz francais?” tanong ng katulong.
…..“Ano?” ang bulalas ni Jim.
…..“Mon dieux!” ang hinaing ng tagaluto, na gusto pang maduwal dahil sa pagkagimbal sa low-class na kausap.

…..“Jim,” sabi ni Oscar, kaibigan ni Jim, “Ano na nga ba, pare, ang palayaw mo, Jim ba o Jaime o Ime?”
…..“Ikaw naman, bro. Siyempre sa school, James, sa dito-dito, Jim, pero sa kalye puwede na, Jaime. Don’t call me Ime naman. Lolo ko sa probinsya ‘yan.”
…..“Ano ang nangyari kay Gizzelle, ‘yong bago niyong katulong. Sexy.”
…..“Ipinabalik ng papa sa agency, pati drayber. Hindi namin sila maintindihan. Minata pa kami dahil Tagalog lang daw at English ang alam naming salitain. And we had thought you were learned, sabi pa. So you see, bro, dahil lang sa salita namin, in-stereotype kami na hoi polloi. Hindi avant garde.”
…..“Ganyan din ang sabi nila, na ‘pag talipapa, Tagalog. ‘Pag boardroom, Ingles.”
…..“Kadiri ang nag-iisip ng ganyan, di ba? Ang lansa ng amoy.” sang-ayon ni Jim.

…..“Magandang balita,” ang sabi ng school psychologist kay Jim. “Simple lang ang problema mo. Linguistic schizophrenia(1). Dalawang wika ang nagsasabunutan sa isip mo.”
…..“Ahhh.”
…..“Natatandaan mo ba ang unang salita na sinabi mo, English o Tagalog,” tanong ng psychologist.
…..“Can’t remember na, sir.”
…..“Hmm,” sabi ng psychologist. “Dementia…. Interesting. Contra finding ito.”
…..“Sa panaginip, ano ang sinasalita mo, Ingles o Tagalog.”
…..“Naku, hindi ko, sir, alam. Tulog po kasi ako ‘pag nananaginip.”
…..“Denial,” bulong ng psychologist. “Interesting.”
…..“Kung ikaw ay … ahem … kapiling ng iyong nobya, at dumating na ang punto, ano ang naibubulalas mo? Ingles ba o Tagalog?”
…..“A, e, embarrassing naman, sir. Quiet lang po ako.”
…..“Extreme repression,” isinulat ng psychologist. Pamaya-maya, “Ang tutuo, masuwerte ka pa, iho?”
…..“Ow? Napatanga si Jim/Jaime/James. Bakit po?”
…..“Well, ‘yong mga nasa labas ng katagalogan, triple-split linguistic personality sila. Native language nila, Filipino, at Ingles. Ang daming kaso sa Cebu, sa Ilokos, at sa Bikol.”
…..“Ngayon ko lang po narinig ‘yan.”
…..“Isang dahilan kaya malaki ang pagtutol ng mga regions sa Tagalog. Sinisira daw ng Tagalog ang isip nila. Pakana daw ng mga colonialists-Tagalista. Ka-pathetic na nag-aaway ang mga Cebuano, Tagalog, at Ilokano tungkol sa wika. Para talagang mga Pilipino. Mga bobong Pinoy(2). Bakit hindi ekonomya ang pag-iringan nila. Bakit hindi ang awayin nila ay ang mga umaagaw sa Spratly, opps, hindi pala natin kaya ang Tsina.” Tumayo ang psychologist at nagsimulang magsalita nang malakas.
…..“Sir, sir, ako po ang pasyente rito,” paalala ni Jim.
…..“O, ah, sorry, iho, nadala na naman ako ng emotion dahil sa kabobohan nating mga Pinoy. Ang ibig kong sabihin, walang kapararakang pag-awayan ang wika dahil lahat ng mga wikang iyan, sa ilan pang generation, patay na lahat ‘yan. We’re prolonging their agony; let them die in peace. Ang we’re compromising the economic future and well-being of our country and people.”
…..“Oh? Ano po ang dapat na maging national language natin, English, Taglish, Seblish, EngIloSebLog? Paano po ako oorder ng tapsilog niyan?”
…..Buong taimtim na sinabi ng butihing doktor: “For a while. Ingles. And then, Mandarin.”
…..“Mandarin? Whoa!” bulalas ni Jim. “Paano po ang cultural heritage natin?”
…..“Iho, Atenean ka, di ba? Para kang taga-Diliman kung mag-isip. Kultura, kultura, kultura. Makukulti ang kukote mo sa kakukulit tungkol sa kultura.  Ang wika ng kung sino ang may hawak ng komersyo at siyensa ang wika ng mundo. Sa 2030s, iiwanan ng Tsina ang Amerika, and there is precious little America can do about it.(3). Business, business, business!”
…..“Sir, La Salle mind set po ‘yan. Balanced curriculum po tayo.”
…..“Whatever.”
…..“Ano po ang gagawin ko?” tanong ni Jim.
…..“Relax ka lang. Go with the flow. Extensive code switching ka. May advantages and bilingual. Enhanced auditory discrimination. Improved cognitive abilities. At sa bandang huli, prevents or delays Alzheimer’s. Para makatulong sa iyo, basahin mo ang librong The Joys of Linguistic Schizophrenia ni Mhawi Mendoza Duran.”
…..Tumitibok ang puso ni Jim habang lumalabas ng klinika. Tsina ang girlfriend niya, nagsasalita ng Mandarin. “Wow, matututo ng language of the future ang mga anak at apo ko.”
…..Tiningnan ng butihing doktor ang pangalan ng pasyente sa record na hawak niya: Phoenix James Bustamante Sori-what “Hmm. Di-kataka-taka. ‘Propulsive effect of mixed Tagalog-English name in childhood trauma.’ Good title ng paper,” ang sabi niya.

Mga tala:
(1) Kuha ang katawagang “linguistic schizophrenia” sa “reThinking Soriano” ni Bill Davis. Basahin ang artikulo niya sa http://propinoy.net/?s=rethinking+soriano.
(2) “Ang Katamaran at Kabobohan ng mga Pinoy”. Isang artikulo na hindi pa nasusulat at hindi pa nalalahathala sa getrealphilippines.com.
(3)  “Even if America heeds its warning, there is precious little it can do about it.”The celestial economy. Sep 10th 2011 http://www.economist.com/node/21528591

Written by Resty Cena

September 13, 2011 at 6:15 am

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: