BALANGKAS, ATBP.

Samot-sari tungkol sa balangkas ng kahit ano, at kung ano-ano pa

Kailanan sa Pandiwang Filipino

leave a comment »

Sa maraming wika, ang pandiwa at simuno ay nagkakasundo sa bilang. Sa Ingles, ang isahan sa pandiwa ay inihahayag ng panlaping -s, at ang kawalan nito ay tanda ng maramihan; sa kabilang dako, ang isahan sa pangngalan ay tinatakdaan ng -s (kung regular na banghy) at ang kawalan ay tanda ng isahan.

The boys play everyday.       (maramihang simuno boys, maramihang pandiwa play)
The boy plays everyday.       (isahang simuno boy, isahang pandiwa plays)

Mayroon bang takda ng kailanan ang pandiwang Filipino? Sa (1.b), ang pandiwang naglanguyan ay tamang tinutumbasan ng maramihang simunong mga bata, pero hindi ng isahang bata, tulad ng makikita sa 1.b. Anong bahagi ng pandiwa ang nagsasabi na maramihan ito? Ipaghalimbawa natin na ito ang hulaping –an, na kapag hindi ginamit, tulad ng sa 1.c, ang pandiwa ay isahan.

1.a    Naglanguyan ang mga bata sa ilog.
1.b    *Naglanguyan ang bata sa ilog.
1.c     Naglangoy ang bata sa ilog.

Kung pangmaramihan ang –an, aasahan natin ang paglitaw nito kapag maramihan ang simuno, pero bakit wala nito sa naglangoy sa 2, na ang simuno ay maramihan? At kung pang-isahan ang kawalan ng –an, bakit tumatanggap ito ng maramihang simuno, gaya ng makikita rin sa 2.

2.     Naglangoy ang mga bata sa ilog.

Hindi naman kapagkaraka’y maaalis ang –an nang hindi nababago ang kahulugan ng pangungusap. Pagparisin ang 1.a, na may hulaping –an ang pandiwa, at ang 2, na walang hulaping an ang pandiwa. May pagkakaiba sa kahulugan ang mga pangungusap. Kung ano man ang pagkakaiba sa kahulugan, hindi ito kabilangan.

Sa mga pangungusap sa ibaba, aakalain natin na ang takda ng maramihan sa pandiwa ay ang pag-ulit ng pantig o CVr, at kung wala nito, tatanggapin ang pangungusap na isahan ang simuno. Opps, maling akala ito, sapagka’t hindi tinatanggap ang ganitong kayarian, tulad ng sa 3.c.

3.a  Pinagbabaril ni Ben ang mga kambing.
3.a  *Pinagbaril ni Ben ang mga kambing.
3.c  *Pinagbaril ni Ben ang kambing.

Gayon din, sa 4.a-b, tila ang panlaping –si– ang naghuhudyat ng maramihan. Pero kapag tinanggal ito, tinatanggap ang isahang simuno (4.c) at tinatanggap pa rin ang maramihang simuno (4.d). Kung gayon, walang kinalaman ito sa pagiging maramihan ng simuno.

4.a  Nagsikuha ang mga bata.
4.b  *Nagsikuha ang bata.
4.c  Nagkuha ang bata.
4.d  Nagkuha ang mga bata.

Kung hindi pangmaramihan ang mga panlaping –an at si, at ang pag-uulit ng pantig, dalawang tanong ang humihingi ng paliwanag:

(i) Kung hindi pangmaramihan ang inihuhudyat ng –an sa naglanguyan, ng CVr sa pinagbabaril, at ng –si–  sa nagsikuha, ano ang ipinakakahulugan nila?
(ii) Ano ang anyo ng panlaping pangmaramihan sa pandiwa? Mayroon ba?

Written by Resty Cena

September 4, 2011 at 7:48 pm

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: